Ilang taon na nga ba ang nakalipas nung huling bumisita si Hika sa buhay ko? Naaalala ko pa, nung nasa hayskul pa lamang ako, ay ang kanyang unang pagdalaw. Pag paumanhin niyo ako, medyo matagal nang hindi ako nakasulat sa wikang Tagalog at aaminin ko, hindi ako ganoon ka bihasa o kagaling sa paggamit sa ganitong klaseng wika. Nyaahaa..
Sa pag papatuloy..
Hayskul, panahon ng pag bubusisi ng mga kung anu ano mang magaganda o mapanuksong bagay dyan sa paligid. Hayskul, panahon ng pagkikilala sa aming kanya kanyang sarili. Hayskul, ang unang tagpo namin ni Hika.
Pumasok ako sa isang paghamon --ang maging isa sa mga opisyal sa CAT. Habang ang ibang mga kaibigan ko ay nakontento na bilang maging isang kadete, ako, na maraming plano sa buhay at gustong makamtan para sabihing, oo, sulit ang pagtira ko rito sa mundo, nagdesisyon na tahakin ang ganitong klaseng paghamon.
Maraming pagsubok ang ibinigay ng mga nakatatandang opisyal ng CAT saming mga nag aaplay bilang mga opisyal sa susunod na taon. Siguro dahil na rin sa "stress" ang isa sa mga dahilan kung bakit nagdesisyon si Hika na pumasok sa buhay ko.
Nung una, akala ko, ayos lang. Kaunting pag inom lang ng gamot, ayos na. Ngunit sa pag lipas ng mga panahon, doon na mismo naging "demanding" si Hika.
Huling taon sa hayskul, kami na mismo ang mga pinuno. "Seniors" nga, ika nila. Kami na ngayon ang mga "Boss" sa buong hayskul. Tinitingala halos sa lahat ng bagay.
Hulyo, maulan-ulang panahon. Sa karamihan, ito ang sadyang panahon upang maglaro sa ilalim ng ulan. Ito ang panahon kung kailan pupwede mangyari ang kahit anu mang bagay --bago man o sadyang gradwal na pagbuo ng kung anu man diyan.
Ilang oras pagkalipas ng isa sa mga CAT sessions, bumisita na naman ako sa ospital. Ang huling pagdalaw ko noon ay nung lumisan si Mama. Hindi, nung inatake pala ng istroke ang ina ni Mama, na sadyang "Mama" din ang pagtawag ko. Ewan, hindi raw bagay tawaging "Lola" siya. Ewan, mga matatanda talaga ho. Haahaa
Pagkabalisa sa mga bagay-bagay at galit sa sarili --ito ang mga naramdaman ko noon. Bakit ngayon pa? Kung kailan ang lapit na ng UPCAT, bakit? May pag-asa pa ba akong makapasok sa UP pagdating ng kolehiyo? May pag-asa pa bang magkatotoo ang mga plano ko sa buhay?
Tumawa lang si Hika. 'Yan kasi eh, bakit ka nag pagbaya? Bakit doon ka mismo kung saan si Alikabok? Masaya bang maging kalaro si Stress?
Tumahimik ka nga dyan, pag inis na sabat ko. Gusto ko man lang makagawa ng maraming gawain. Gusto ko man lang tapusin ang mga naumpisahan ko. Gusto ko man lang gumawa ng mga makabuluhang mga bagay.
'Yun nga eh, dahil diyan sa mga kagustuhan mo, ang pagdalaw ko pa ngayon ang naging dahilan kung bakit ka nagkakaganyan, pagtawang sabat niya. Hindi ko man naisin ito ngunit heto na eh. 'Di bale, aalis din naman ako magkalipas ng ilang panahon. Babalik lang ako pag nag pabaya ka na naman.
Mabuti na lang at umalis na siya pagkalipas ng ilang mga araw. At muling napayapa na naman ang buhay ko.
Unang taon sa kolehiyo, "Freshies" ang tawag saming mga nakapasok sa bagong kampus. Oo nga pala, nakapasa ako sa UPCAT (salamat sa Diyos.) at doon sa "Miami" ako pansamantalang nag-aral.
Hulyo ulit, nang muling bumisita si Hika. Sadyang kay bago ng mga pagsubok at bagay-bagay doon sa Miami at 'yun nga, sadyang mas masayang maglaro sa ilalim ng ulan pag Hulyo.
Ospital ospital ospital, heto na naman ako. Bakit tuwing magbisita si Hika eh sa ospital ang aming "meeting place"? Siguro dahil mas tahimik doon, mas napaalala kami sa Diyos, o siguro dahil ito'y isa sa mga pook na kun saan ang mga hindi nakabisita noon sa buhay mo eh bibisita ulit, gusto mo man o hindi.
Nahihiya na ko sa mga tao sa paligid ko. Bakit ngayong tumatanda na ko eh doon pang hinayaan kong pumasok si Hika sa buhay ko. Sabi ng doktor, ganoon talaga. Walang panahong pinipili na dumating si Hika. At hindi siya aalis at ang maaaring gawin lamang ngayon ay ang maghanda at magkaroon ng "presence of mind" pag dumating siya ulit. Hindi ordinaryong bisita si Hika. Kapag hindi mo siya aasikasuhing mabuti, ikaw at ang mga tao sa buhay mo ang dehado. At 'yun nga ang sadyang hindi magandang pangyayari kung ganoon.
Ilang taon ang nakalipas, sadyang hindi muli nakabisita si Hika. Masaya, siyempre. Walang nadedehado, "smooth-smooth" lang ika nga nila.
Ngunit itong mga nakalipas na mga araw, anlupet ng tadhana. Anlupet ng panahon. Bakit ngayon pa, kung saan ang dami pang mga gawain, bakit andito ka na naman Hika?
Ayokong madehado ang mga tao sa paligid ko. Andami pang mga dapat na gawin. At ngayon, medyo alam ko na kung papaano ka aasikasuhin para saglit lang ang pagdalaw mo rito. Humanda ka Hika, humanda ka. Bwahaha